8Please respect copyright.PENANAr0vfNRFy3d
Hindi lahat ng paglalakad palayo ay pagtakas. Minsan, 'yon ang tanging paraan para hindi tuluyang mawala ang sarili.
Sa ospital, tahimik ang gabi. Tanging marahang tunog ng IV drip at tahol ng malalayong aso ang naririnig. Nakahiga si Chin, gising. Namumugto pa rin ang mata, pero matalim na ang tingin. Wala nang luha, pero ang bigat, parang nakaipit sa lalamunan.
Pumasok si Diveena, may dalang bag. “Nakausap ko na si Ma. Uuwi na raw tayo bukas. Ayaw niya nang dito ka pa.”
Hindi sumagot si Chin. Pinagmasdan lang niya ang puting kisame. Sa ilalim ng kanyang kumot, hawak-hawak pa rin niya ang maliit na ultrasound picture. Black and white. Buhay na wala na.
Bubuksan na sana ni Diveena ang bintana nang bumukas ang pinto.
Si Mondie.
Mukhang hindi na natutulog. Mapungay ang mata, may bandang pasa sa gilid ng labi, at tila lasing pa rin kahit walang alak.
Napahinto si Diveena.
"Labas muna ako," bulong niya, ramdam ang tensyon. At saka isinara ang pinto.
Tahimik.
Pumwesto si Mondie sa gilid ng kama. Hindi siya nagsalita agad. Ilang beses siyang nagbukas ng bibig pero wala ring salitang lumabas. Hanggang sa humugot siya ng malalim na hininga.
“Chin… sorry.”
Napatingin si Chin. Sa wakas, may lakas siyang tanungin.
“Bakit mo hinayaan mangyari ‘to?”
“Hindi ko alam… Ang bilis lang ng lahat. Galit si Papa, si Mama umiiyak araw-araw. Pinapili ako. Tapos nung huli—”
“Pinili mo sila,” putol ni Chin. “Kahit wala akong ginawa kundi mahalin ka.”
Tumingin si Mondie sa kanya, punong-puno ng guilt. “Mahal pa rin kita.”
“Mondie,” bulong ni Chin. “Hindi ako multo na puwedeng itago. Hindi ako bakanteng kwarto na puwedeng isarado pag hindi maganda sa paningin ng bisita.”
Gusto pa sanang magsalita ni Mondie, pero may kumirot sa tiyan ni Chin. Napahawak siya sa tagiliran. Hindi na siya umiiyak, pero ang dugo sa loob—wala pa ring tigil.
“Hindi ko na kailangan ng paliwanag,” patuloy ni Chin. “Gusto ko lang ng katahimikan. Ng dignidad. At ng kapayapaang hindi mo kayang ibigay.”
Tumayo siya kahit nanginginig. Hinila ang IV sa braso. Pinilit lumakad kahit sumasakit.
“Chin, anong ginagawa mo?!” gulat ni Mondie, akmang lalapit.
“’Wag mo akong hawakan.”
Napaurong si Mondie. Kitang-kita sa kanya ang pagkaparalisa. Parang gusto niyang pigilan pero alam niyang hindi na siya may karapatang humawak.
Hinila ni Chin ang hoodie sa upuan at dahan-dahang nilagyan ng ultrasound photo ang bulsa. Lumapit sa pinto.
“Mondie…”
Napalingon si Mondie, umaasang may babalikan pa.
“Hindi ko kailangan ng goodbye. Kasi kahit kailan, hindi mo naman ako pinili.”
At dahan-dahang isinara ni Chin ang pinto. Hindi mabilis. Hindi pabigla. Pero sapat para marinig ni Mondie ang tunog ng pagsuko.
Sa labas ng ospital, sinundo siya ni Veronica. Tahimik lang silang dalawa habang bumibiyahe pa-uwi. Sa likod ng kotse, tahimik ring pinipigilan ni Diveena ang pag-iyak.
“Sorry, Ma,” bulong ni Chin habang nakatingin sa bintana.
“Ssshh… hindi mo kasalanan,” sagot ni Veronica. “Hindi kailanman magiging kasalanan ang magmahal.”
Pagkauwi, agad siyang dumiretso sa kwarto ni Diveena. Humiga. Mahigpit pa ring yakap ang hoodie. Hindi na niya tinanggal ang sonogram sa bulsa.
Hindi pa man tuluyang gumagaling ang sugat, alam na niyang ito ang simula ng bago.
Hindi madali.
Hindi mabilis.
Pero ngayong siya na lang ang naiwan, siya rin ang maglalakad palayo—hindi para tumakbo, kundi para mabuo ulit ang sarili.
ns216.73.216.247da2