8Please respect copyright.PENANAvSr4AXMeLm
Umambon habang paalis si Chin mula sa bahay nila Diveena. Akala niya kakayanin niya. Akala niya sapat na ang galit para takpan ang sakit. Pero habang naglalakad sa gilid ng kalsada, habang unti-unting nababasa ang kanyang balikat sa ulan — hindi na niya kaya.
“Chin!”
Tumigil siya. Narinig niya ang boses na 'yon, kahit pilit niyang itanggi.
Lumingon siya. Si Mondie. Basang-basa rin, hinahabol siya. Walang payong. Walang takot. Bitbit lang ang mukha ng isang lalaking desperado.
“Please,” sabi ni Mondie habang papalapit. “Makinig ka muna.”
Umiling si Chin. “Ano pa bang gusto mong sabihin? Na hindi mo intensyon masaktan ako? Narinig ko na ‘yon. Maraming beses.”
“Pero hindi mo pa ako naririnig nang buo.”
“Buo?” Tumawa siya nang mapait. “Mondie, wala nang buo sa akin. Giniba mo lahat. Giniba mo ‘ko.”
Hinawakan ni Mondie ang kanyang braso, marahang hinigpitan. “Mahal pa rin kita.”
At doon, tuluyang nabasag ang dibdib ni Chin.
“Don’t ever fake love again.”
Bumuhos ang luha niya, kasabay ng ulan. Hindi na siya nakatingin sa kanya — ayaw niyang Makita ang mga matang minsang sinamba niya.
“‘Wag mo nang sabihin ‘yan, Mondie. ‘Wag mo na akong lituhin. Hindi ko na alam kung alin sa mga sinabi mo ang totoo.”
“Lahat ng ginawa ko, Chin… lahat ng hindi ko sinabi, ginawa ko dahil mahal kita. Ayoko nang masaktan ka.”
“Pero sinaktan mo pa rin ako!”
Napaatras siya, parang nasunog sa hawak niya. “Akala mo ba hindi ko naramdaman ‘yon? Yung mga tingin mo na parang may alam ka. Yung mga sulyap na puno ng pangako. Paano mo nagawang mahalin ako habang niloloko mo ako?”
“Hindi ‘yun panloloko—”
“Anong tawag mo doon?” bulalas niya. “Pagpapaalam na huwad? Pagmamahal na kunwari?”
Tahimik. Sa unang pagkakataon, wala siyang sagot.
“Nang makita kitang muli, akala ko may bago. Akala ko may simula. Pero ang totoo, ikaw lang ang may hawak ng buong istorya. Ako, nilarawan mo lang ulit sa pahina, parang karakter na ‘di na kailangang tanungin kung anong nararamdaman.”
Tumulo pa ang mas maraming luha sa mga mata ni Chin. Pilit niyang pinunasan gamit ang kanyang palad, pero parang ulan din — walang tigil.
“Alam mo kung bakit masakit, Mondie?”
Tumingin siya nang diretso sa kanya.
“Kasi pinili mong itago ang totoo, para kunwari maprotektahan ako. Pero totoo lang, pinrotektahan mo lang sarili mo. Natakot kang hindi kita tanggapin. Natakot kang makita ko lahat ng ginawa mong mali noon. Kaya gumawa ka ng bagong kuwento — pero peke pa rin.”
Napaluhod si Mondie. Sa gitna ng kalsada. Sa harap niya. Tuluyan na siyang sumuko.
“Kung puwede lang akong bumalik… ayusin ang lahat… Chin, hindi ako titigil sa pagsubok.”
Umiling si Chin. “Pero ako na ang titigil, Mondie. Kasi ako na ang napagod. Ako na ang naubos.”
Humikbi siya, isang tunog na parang batang nawalan ng tahanan. At sa isang iglap, lumuhod din siya sa harap niya — hindi para manumbat, kundi dahil hindi na kaya ng tuhod niya ang bigat sa dibdib.
Magkaharap silang dalawa. Magkabilaan ng sugat. Magkaibang paraan ng pag-ibig… parehas lang ng sakit.
“Patawad kung hindi ko na kayang maniwala,” bulong ni Chin. “Patawad kung hindi ko na kayang lumaban. Kasi pagod na pagod na ‘ko, Mondie. Pagod na akong umaasang totoo ang bawat ‘mahal kita’ mo.”
Tahimik. Ulan lang ang saksi.
“Kung mahal mo pa rin ako,” bulong niya, “bitawan mo ‘ko ngayon.”
“Chin…”
“Bitawan mo ‘ko… habang kaya ko pang lumakad palayo. Kasi kung hindi, babalik lang tayo sa kung saan tayo nagkawasak.”
Tahimik si Mondie. Hinawakan niya ang pisngi nito, huling beses. Walang halik. Walang pangakong kasunod. Isang haplos lang ng paalam.
Tumayo si Chin. Umiwas sa tingin. Umalis. Iniwan siyang nakaluhod pa rin, hawak ang puso niyang muli niyang sinira.
At sa bawat hakbang ni Chin palayo, kasabay ang ulan, kasabay ang tibok ng pusong hindi pa rin humihinto… pero alam niyang kailangang tumigil.
ns216.73.216.247da2