Kabanata 56: Ang Huling Pahinga
Nagtatawanan pa rin ang magkakapatid. Si Ramil ay nakatingin lang kay Ysay, habang nakayakap ito kay Samantha. May ngiti pa rin sa labi si Ysay—kalma, payapa.
Pero… may kakaiba.
Hindi na siya sumasagot. Hindi na siya sumabay sa tawa.
Dahan-dahan lumapit si Ramil. Lumuhod sa tabi ng kama. Hinawakan ang pisngi ni Ysay. "Love...?" bulong niya, dahan-dahan. "Tulog ka ba?"
Walang sagot. Walang galaw.
"Ysay..." Hinaplos niya ang buhok ng asawa. Pinakiramdaman ang hininga. Wala.
Unti-unti niyang niyakap si Ysay, maingat, para hindi mahalata ng mga bata. Ibinaba niya ang ulo sa balikat nito. Pinilit niyang pigilin ang iyak, pero kusang lumabas ang mga hikbi.
"Papa?" tanong ni KC, nang mapansin ang kakaibang kilos ng ama. "Bakit po?"
Napalingon si Angelique. Tumigil sa pagsasalita si Jae Ann.
"Mama...?" tawag ni Jae Ann habang lumapit.
Nakita nila ang luha sa pisngi ni Ramil. Ang yakap na hindi na bumibitaw.
Doon nila naintindihan.
"Maaa..." ungol ni KC, sabay takbo sa tabi ng kama. "Mama, gising na... please..."
Isa-isa silang napaluhod. Isa-isa silang umiyak.
"Mamaaaa!" hagulgol ni Angelique, habang si Jae Ann ay tahimik na yumakap sa tiyan ng ina, pilit pinipigil ang pag-iyak pero nabasag rin.
Hawak pa rin ni Ramil ang asawa. Walang patid ang luha, pero marahan niyang sinabi, sa mahinahong tinig:
"Wag kayong umiyak... kasi ayaw ni Mama na malungkot tayo..."
Isang malalim na buntong-hininga ang sumunod. Isa-isa, lumapit ang mga bata.
Hinalikan ni Jae Ann ang noo ni Ysay.
Hinalikan ni Angelique ang kamay ng ina.
Si KC, mahigpit na yumakap bago hinalikan ang pisngi nito. "Love you, Mama..." ibinulong niya.
At si Ramil… huling humalik sa noo ng asawang pinili niyang mahalin habang buhay.
Hinawakan niya ang kamay nito at mahigpit na pinisil bago ibulong, sa panginginig ng tinig:
"Magpahinga ka na, love. Ako na ang bahala sa kanila." Nilunok niya ang bigat sa dibdib. "Hintayin mo ako… sunduin mo ako pag tapos na ang responsibilidad ko sa mga bata."
Dahan-dahang dumampi ang noo niya sa noo ni Ysay.
"Mahal na mahal kita..."
Tahimik ang buong bahay. Wala nang halakhakan.
Tanging pagmamahal na lang ang naiwan sa hangin—mga salitang hindi kailanman mawawala.
ns216.73.216.169da2