Kabanata 55: Mga Pangako Kay Mama
Nagkatinginan ang magkakapatid habang si Ysay ay nakahiga sa kama, nanghihina man pero nakangiti, habang pinagmamasdan ang mga anak.
"Mama," bungad ni Jae Ann, hawak ang kamay ni Ysay, "ako na po ang magaayos ng buhok ni baby Sam tuwing papasok. Pati kay Angelique, ako na rin."
"Ako naman, Mama," agad na sabat ni Angelique, "ako ang katabi ni Sam sa higaan para hindi siya magka-bad dreams."
"Ako???" singit ni KC habang inaangat ang braso at pinapakita ang 'muscles' niyang wala naman talaga, "ako ang bahalang gumilpi sa mga manliligaw niyong tatlo... nakikita niyo ba ’tong muscle ko? Grrrr!"
Nagtawanan silang lahat.
"Tuturuan ko sila, Mama, lagi—gaya ng pagtuturo mo sa akin," dagdag ni Jae Ann, seryoso pero may ngiti pa rin.
"Ako, Ma, pagluluto ko sila, kasi tinuturuan ako ni Lola Ana magluto e," sabi naman ni Angelique, taas-noo.
"Mama, sa akin magmamana si Sam ng galing sa Math," pagmamalaki ni KC.
"Waaaah! Mas magaling ako sa ’yo sa Math, Kuya!" angil ni Angelique. "Sabi nga ni Miss Beltran, 'Angelique, ang galing mo talaga sa Math—mana ka sa ate Jae mo!'"
"Wow! Bakit naging Damath Champion ka ba ha? Ha??" kontra ni KC, habang tinuturo ang sarili.
"Tama na yan," sabat ni Jae Ann, tumatawa. "Pareho kayong magaling. Kasi nagmana tayo kay Mama. Sabi sa Psychology, ang talino raw namamana sa ina, e."
Biglang nagtampo kunwari si Ramil. "Aba! Paano naman ako? Parang hindi niyo na ako sinali sa pamilya, ah! Sino nagmana sa akin?"
"Ako, Papa," sabi ni KC agad, "nagmana ako sa kagwapuhan mo."
"Ako po, Papa," sabay taas-kamay ni Angelique, "magaling din ako kumanta!"
"Ako po, Papa," sabay yakap ni Jae Ann sa kanya, "mahaba ang pasensya ko, at mahal na mahal ko ’tong mga kapatid ko. Parang ikaw po sa mga kapatid mo."
Ngumiti si Ramil, tumulo ang luha niya habang pinagmamasdan ang mga anak nilang puno ng pagmamahal, habang yakap-yakap si Ysay.
Si Ysay naman—walang imik. Ngiti lang.
Ngunit habang patuloy ang tawanan, ang damdamin, at ang mga pangako... unti-unting pumikit si Ysay.
Isang pikit na hindi na muling dumilat.
At sa gitna ng halakhakan ng mga anak, ang ina nila’y tahimik na nagpahinga—buo ang puso, puno ng pag-ibig.
ns216.73.216.169da2