Kabanata 9: Dalawang Mundo, Isang Balikat
Isang buwan makalipas ang desisyong bumukod, naroon na sila Tentay at Ramil sa inuupahang maliit na silid sa gilid ng isang lumang bahay sa Bacood. Isang silid, isang kalan, isang maliit na mesang kahoy. Wala man sa plano ang pagiging magarbo, sapat ito para matawag ni Tentay na "sarili nilang tahanan."
Kahit maliit, inaraw-araw nilang linisin, ayusin, at gawing maaliwalas ang espasyo. Si Jae Ann, laging nakasakay sa duyan na isinabit ni Ramil sa may bintana. Kapag dumaraan ang hangin, parang may himig itong dala—huni ng pag-asa, o siguro huni ng pagsubok.
Pero kasabay ng bagong tahanan ang lalong mabigat na responsibilidad.
Lunes hanggang Sabado, pumapasok si Ramil bilang messenger sa Makati. Gigising ng alas-singko, aalis ng alas-sais, uuwi ng alas-otso ng gabi. Tuwing Sabado ng gabi, tuloy siya agad sa construction site para sa graveyard shift bilang kargador o tagamasa ng semento.
Ang kita mula sa opisina, diretso sa bahay ng kanyang magulang. Ang kinikita sa construction, para sa panggastos nila ni Tentay at Jae Ann. Wala na siyang tinira para sa sarili, kahit pamasaheng minsan ay hinihiram pa sa kaopisina.
"'Tol," ani Mang Celso, kapwa kargador, habang nagpapahinga sila sa isang pahingahan. "Ba't di mo bawasan na lang 'yung bigay mo sa pamilya mo? May sarili ka nang anak."
Ngumiti si Ramil, pagod man ang mata, may tibay pa rin ang tinig.
"Hindi ko kayang hayaan sila, 'tol. Kung ako lang masusunod, ayoko ring nakikitira pa sila sa kapitbahay. Pero hanggang dito lang kaya ko ngayon."
Sa kabilang dako, si Tentay nama'y nagsisimula nang gumawa ng paraan para makatulong. Habang nag-aalaga kay Jae Ann, tumatanggap siya ng labada, minsang nagbebenta ng kakanin sa palengke. Kahit pagod, hindi siya nagpahalatang hirap. Pero sa mga gabing walang ulam, sa mga araw na sinusumpong si Jae Ann ng lagnat, napapaluhod siya sa dasal, humihiling na sana kayanin pa nila.
Dumating ang isang araw na pareho silang nakatulog sa banig, hindi na nag-usap. Hindi dahil may tampo, kundi dahil sa sobrang pagod. Sa isang silid na punô ng hikahos ngunit may halong pangarap, doon nila pinipilit buuin ang dalawang mundong sabay nilang pasan—ang pamilyang pinagmulan, at ang pamilyang binuo.
ns216.73.216.169da2