Kabanata 36: Sa Gitna ng Dalawang Ina
Isang Sabado, nagising si Ysay ng mas maaga sa karaniwan. Tiningnan niya ang kalendaryo sa dingding, may markang pula — "BIRTHDAY NI JAE ANN 💛".
Sa kusina, abala na si Ramil sa pagluluto ng spaghetti, habang si KC at Angelique ay abalang naghihiwa ng hotdog para sa handa. Si Ysay, kahit puyat sa shift kagabi, ay ngumiti habang tinitimpla ang iced tea.
“Malaki na 'yung anak natin,” wika niya kay Ramil.
“High school na,” sagot nito habang hinihigpitan ang takip ng pressure cooker. “Tapos laging Top 1, parang ikaw.”
Ngunit sa kabilang dako ng bayan, may isa ring naghahanda — si Tentay. Hindi siya nagdala ng pagkain. Siya ang nagpabili ng malaking bilao ng palabok, box ng cake, at isang tray ng lumpiang shanghai.
“Birthday ng anak ko, hindi ako pwedeng mawala,” panatag niyang sabi kay Joey, na wala namang kibo.
Sa eskuwelahan, sabik si Jae Ann. Marami siyang inimbitahan — mga kaklase, mga kagrupo sa sayaw, pati si Ma’am Berna na adviser nila.
Ang party ay idinaos sa covered court ng paaralan. May mga puting lobo, nakasabit na tarpaulin, at mahabang mesa ng mga pagkain — meron ding loot bags at mga party games.
Maagang dumating ang pamilya ni Ysay. Si Angelique ay naka-pigtails, si KC naka-bonnet, habang si Ramil ay bitbit ang cake na binili pa nila kagabi.
“Happy birthday, anak!” sigaw ni Ysay, sabay yakap kay Jae Ann.
“Salamat po, Ma—,” sabay bulong ng bata, pilit pinipigil ang nerbiyos.
Ilang sandali pa, dumating si Tentay — naka-daster at may bitbit na box ng cake. Sumunod ang catering delivery na pinabayaran niya sa kapitbahay para may dating.
Diretso si Tentay sa harap, tumayo sa gitna ng mga kaklase.
“Hello mga anak! Ako nga pala ang mama ni Jae Ann. Pasensya na kung ngayon lang ako nakita niyo, pero ako ang tunay niyang ina,” malakas at may pagmamalaking wika ni Tentay habang inaayos ang buhok.
Tumahimik ang grupo ng mga bata. Nagkatinginan sila, lalo na ang mga madalas mag-practice ng sayaw sa bahay nina Ysay.
“Ha? Akala ko po si Tita Ysay ang mama niya?” tanong ng isa.
“’Yung laging nagpapakain sa atin pag Sabado?” dagdag pa ng isa.
Nanatiling nakatayo si Jae Ann, nanlalambot. Parang hindi niya maigalaw ang katawan. Nahihiya siya. Nalilito.
“Anak, halika dito,” tawag ni Tentay, sabay hawak sa kamay niya. Ngunit bahagyang umatras si Jae Ann. Sinenyasan siya ni Ysay ng "go ate, it's okay!" Saka lamang lumapit si Jae Ann kay Tentay.
“Salamat po, Ma,” mahina niyang sabi, at lumingon siya kay Ysay.
Nasa gilid lang si Ysay. Hindi siya lumapit. Hindi rin siya umangal. Hawak niya lang ang balikat ni KC at Angelique.
Nilapitan siya ni Jae Ann sa dulo ng party. May luhang naipon sa gilid ng mata ng bata.
“Ma… sorry, hindi ko siya mapigilan. Pero ayoko rin pong masaktan siya. Gulo na kasi sa isip ko.”
Hinagod ni Ysay ang likod ng anak. “Okay lang 'yan. Hindi kita pipilitin kung ano ang gusto mong itawag sa akin. Basta alam ko kung sino ako sa buhay mo.”
“’Ikaw’ nga po, eh,” bulong ni Jae Ann. “Ikaw yung mama na naalala ko araw-araw.”
Tahimik na bumalik si Ysay sa pwesto niya habang si Tentay ay abala sa pagpapakilala sa mga guro, ipinapakita ang mga baby picture nila ni Jae Ann — ngunit ang tawa ng mga bata ay tila pilit. Wala sa lugar. Wala sa puso.
Sa huli, nang matapos ang party at makauwi ang mga bata, isang maliit na sulat ang iniabot ni Jae Ann kay Ysay bago ito matulog:
ns216.73.216.169da2"Ma, salamat po sa lahat. Sa susunod na taon, kayo na po ang gusto kong makita sa harap, hindi na yung iba. Kasi kayo yung ‘tahanan’ ko."