Kabanata 3 : Sa Gitna ng Tahimik na Sigaw
Hindi inaasahan ni Ramil na darating siya sa puntong may lihim siyang itinatago—hindi sa magulang niya, kundi sa mundo. Ang relasyon nila ni Tentay ay hindi "relasyon" sa mata ng iba. Hindi pa nga sila opisyal, pero halos gabi-gabi na silang magkausap, magkatxt, minsan ay sabay pang umuuwi sakay ng dyip, kahit pa magkaibang ruta ang bahay nila.
Nagsimula ang lahat sa tuksuhan. Pero gaya ng isang kantang paulit-ulit mong naririnig, hindi mo namamalayang kabisado mo na pala ang bawat himig—at nararamdaman mo na rin ang mensahe nito.
"Tay, late na ako uuwi. Naimbitahan ako ni Tentay manood ng ensayo nila," paalam ni Ramil minsan.
"Si Tentay na naman?" tanong ng kanyang ina, si Aling Ana, habang hinihiwa ng kamatis sa maliit nilang kusina. "Anak ng may-ari ng music store sa bayan? 'Yung masungit na babae na parang may sariling mundo?"
"Hindi siya masungit. Prangka lang," depensa niya.
Hindi pa man niya inaamin, ramdam na ng nanay niya. Si Tentay—anak ni Mang Rodolfo, dating musikero na ngayo'y nagmamay-ari ng kilalang music store sa bayan, ay isang pangalan na hindi kailanman idudugtong sa tulad ni Ramil, na messenger lang sa music firm, panganay sa sampung magkakapatid, at tagadala ng mundo ng pamilya niya.
Nang mag-umpisang umabot sa bayan ang tsismis na magka-close sila, pinatawag siya ni Mang Rodolfo. Doon niya naranasan ang malamig na salubong ng isang amang walang balak makipag-kamay.
"Ikaw ba 'yung laging kasama ni Cristina?"
"Opo, Sir."
"Cristina 'yan sa'min. Tentay lang sa inyo."
Diretsong sinabi ng ama ni Tentay na hindi siya boto kay Ramil. Hindi raw niya kayang buhayin ang anak niya. At ang lalaking hindi pa nga nakatapos ng kolehiyo, anong kinabukasan ang maiaalok?
Hindi na lang siya sumagot.
Pero si Tentay—hindi siya basta sumusuko.
"Wala silang alam sa'yo. Hindi nila alam na ikaw 'yung nagbibigay ng baon sa mga kapatid mo. Na ikaw 'yung tumatakbo para lang mapagawa ang bag ng bunso mo. Na ikaw 'yung nagpapalipas ng gutom para lang sila may makain."
"Hindi naman nila kailangang malaman. Hindi rin 'yun sapat para tanggapin ako."
"Hindi kita pinapakilala para tanggapin ka. Gusto ko lang 'yung totoo. At ikaw 'yun."
Kaya nagpatuloy sila—patagong mga pag-uusap sa text, panakaw na pagkikita sa tapat ng music firm, at madaling araw na lakad sa gilid ng riles habang ang mga bituin lang ang saksi.
Hanggang isang araw, may nangyari.
Hindi nila plano. Walang label. Pero sa gabing 'yon, sa isang madilim na sulok sa likod ng entablado pagkatapos ng ensayo, nagkatinginan lang sila habang may tumutugtog sa loob.
"Ramil... may gusto akong sabihin."
"Ako rin..."
Pero hindi salita ang lumabas. Halik. Mahinang yakap. At isang paglalapit ng mga pusong parehong pagod sa pakikipaglaban sa mundo.
Hindi iyon sinundan ng mga pangako. Wala ring umagang may "magandang umaga, mahal." Nagpatuloy lang ang araw—pero nag-iba na ang tingin nila sa isa't isa.
Sa kabila ng lahat, alam nilang delikado na ito. Kaya mas naging maingat sila. Ngunit kahit gaano kaingat, may mga lihim na ayaw manatiling nakatago.
16Please respect copyright.PENANAufowPD9ghU