Kabanata 26: Parang Buong Pamilya
Mainit ang araw ngunit hindi ito alintana nina Ramil at Ysay habang kasama ang tatlong bata sa Star City. Sa bawat sigaw ng tuwa, sa bawat halakhak ng mga munting tinig, parang unti-unting nabubuo ang isang larawang dati ay pangarap lamang.
Nakita ni Ramil ang pagiging natural na ina ni Ysay. Hindi lang sa mga anak niya, kundi lalo na kay Jae Ann. Sa gitna ng kasiyahan, pinunasan ni Ysay ang pawis ng bata. Nilagyan pa ng cute na hair clip ang buhok nito at pinainom ng malamig na tubig.
“Mainit, sweetie?” tanong ni Ysay habang inaabot ang bote. Tumango si Jae Ann at ngumiti, saka yumakap.
“Thank you, Mama Ysay.”
Nagulat si Ysay. Tumingin siya kay Ramil, tila may kumurot sa puso niyang masarap. Napaluha siya, hindi sa lungkot kundi sa saya.
Samantala, hindi rin nagpapahinga si Ramil. Buong pusong kinakarga si KC habang naghahabol-habol ito sa paligid. Si Angelique naman, tuwang-tuwang nakakapit sa leeg niya habang naglalaro sila sa kiddie rides.
“Papa! Gusto ko pong sumakay dun!” sabay turo ni KC.
Hindi nag-atubili si Ramil. Kahit pawis na pawis na siya, kahit puno na ng gamit ang backpack sa likod niya, agad siyang tumakbo kasama ang mga bata.
Maya-maya pa’y nagtanong si Ysay habang nagpapalit siya ng diaper ni KC sa loob ng family room.
“Sigurado ka ba talaga, Ramil? Sa dami ng pwedeng piliin… kami pa? Ako pa na may dalawang anak na.”
Lumapit si Ramil at hinawakan siya sa balikat, tinitigan ng seryoso ngunit may ngiti sa labi.
“Ysay, matagal ko nang gustong sabihin ‘to… Sana tawagin na rin nila akong Papa. Hindi lang dahil gusto ko, kundi dahil... nararamdaman kong ito na ang tamang pamilya para sa akin.”
Napangiti si Ysay, sabay hilig sa balikat ni Ramil.
“Eh ako? Anong tawag sa akin ni Jae Ann?”
Sakto namang dumating si Jae Ann, may bitbit na cotton candy.
“Mama Ysay, papa-share po!” sabi nito, sabay abot ng matamis na treat.
Lalong tumibok ang puso ni Ysay sa narinig. Tinanggap niya ang alok at hinalikan sa pisngi si Jae Ann. Hindi na kailangang sabihin pa—dama niya, buo na sila.
Sa araw na ‘yon, hindi lang sila nag-enjoy sa Star City. Nag-uwi sila ng bagong alaala, bagong pag-asa, at panibagong panata—na sa bawat sigaw ng saya, may pamilya silang sabay-sabay tatawa at iibig.
ns216.73.216.169da2