Kabanata 10: Habi ng Mga Pangarap
Mabilis lumilipas ang mga araw. Kung dati'y kinakailangan pang ipagtabi ni Tentay ang singko sentimos para makabuo ng pamasaheng pabalik sa palengke, ngayon ay may konting kinang na ang kanyang mga mata tuwing bibili ng sinangag at itlog sa umaga. Unti-unti, natututo siyang tumayo sa sariling paa sa gitna ng panggigipit.
Isang araw, habang naglalaba siya sa gilid ng bahay, napansin siya ng isang ginang na kapitbahay. Si Aling Idang, isang mananahi na may sariling puwesto sa palengke. Lumapit ito, dala ang ilang piraso ng burdang barong.
"'Nak, marunong ka bang magburda?" tanong ng ginang habang tinutupi ang mga tela.
Umiling si Tentay. "Hindi po, pero mabilis po akong matuto kung tuturuan n'yo."
Napangiti si Aling Idang. "Sige, kung gusto mong subukan, dalhin mo ito sa loob ng tatlong araw. Kung maayos, dagdag kita 'yan."
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Tentay. Kahit sa gabi, habang hinihele si Jae Ann, tangan niya ang sinulid at karayom. Pinag-aralan niyang mabuti ang bawat tusok, bawat detalyeng tinuro ni Aling Idang. Dumugo man ang daliri, hindi niya ininda. Ang bawat tusok ng burda, parang paalala ng bawat sakripisyo ni Ramil.
Pagdating ng ikatlong araw, muling binalik ni Tentay ang gawa niya.
"Magaling," sabi ni Aling Idang, habang pinagmamasdan ang gawa. "May talent ka. Kung gusto mo, may kilala akong tahian ng barong sa Batangas. Malaki ang kita roon. Libre tirahan. Kung magugustuhan ka nila, regular ka na."
Nanlaki ang mata ni Tentay. "Talaga po? Malaki po ba talaga ang bayad?"
"Oo, anak. Tatlong beses ng kinikita mo sa paglalaba. At kung magtitiyaga ka, makakaipon kayo agad."
Dahil sa balitang iyon, buong araw naging magaan ang pakiramdam ni Tentay. Ngunit pagsapit ng gabi, kinailangan niya itong sabihin kay Ramil. Naghain siya ng kapeng barako, bagay na matagal na nilang hindi ininom.
"May sasabihin ako, Ram," panimula niya.
"Hmm?"
"Magtatabi ka ba ng konting ipon kung sakaling malayo ako?"
Napakunot ang noo ni Ramil. "Anong malayo?"
"Ineenganyo ako ni Aling Idang na pumasok sa tahian ng barong sa Batangas. Malaki daw ang kita, libre tirahan. Siguro kahit ilang buwan lang, para makapag-ipon."
Tumahimik si Ramil.
"Hindi ba't maliit pa si Jae Ann? Paano 'yun?"
"Kayang-kaya mong alagaan ang anak natin. Sabado't Linggo, pwede akong umuwi. Ayoko lang palaging nag-aalala ka kung saan kukuha ng panggastos."
Napabuntong-hininga si Ramil. "Hindi sa ayaw ko. Natatakot lang ako. Hindi ko alam kung kakayanin kong wala ka sa bahay. Hindi ko alam kung kaya kong maging ama't ina habang wala ka."
Ngunit kahit anong pakiusap ni Ramil, buo na ang loob ni Tentay. Sa unang pagkakataon, hindi lang para sa pamilya niya kundi para rin sa sariling dangal, gusto niyang makatulong nang higit pa.
At sa mga mata ni Ramil, bagaman mabigat, alam niyang kailangan niyang payagan ito. Dahil kung sa kanya, ang bigat ng responsibilidad ay pasan ng katawan—kay Tentay, ito'y pasan ng loob at damdamin.
16Please respect copyright.PENANAzqzajLJcCv