9Please respect copyright.PENANAqhIxZCspQs
Pagkatapos ni Christian, wala na akong nasabing matinong salita sa sarili ko.
Wala akong masabihan. Wala akong mapuntahan. Parang nagising ako isang araw na hindi ko na kilala ang sarili ko. Lahat ng tiwala ko, giniba. Lahat ng akala ko, mali. At lahat ng pag-ibig na inalay ko—walang bumalik.
Hindi ko na alam kung paano ulit magtiwala.
Hindi ko na alam kung paano maging ako.
Nakatitig lang ako sa kisame, halos isang oras na. Nakahiga ako sa kama pero parang lumulutang sa kawalan. Naka-on lang ang aircon, pero hindi ko maramdaman ang lamig. Pati init, tila wala na ring epekto.
Ang daming messages sa phone ko. Mga kaibigan, kamag-anak, trabaho. Pero wala akong gana sagutin kahit isa.
Nang huli akong magmahal, binigay ko lahat. Wala akong itinira para sa sarili ko. Siguro nga ako rin ang may kasalanan. Ako ang masyadong naniwala. Ako ang masyadong nagpadala.
Pero mali ba talagang magmahal nang buo?
Napaisip ako.
Simula sixteen, marunong na akong umibig. Pero bakit parang habang tumatagal, habang dumadami ang karanasan ko, lalo akong nawawala?
Bakit parang habang binibigay ko ang sarili ko sa iba, lalo akong nauubos?
Naglakad ako papunta sa banyo. Tumingin ako sa salamin.
Sino ka na, Rax?
Yung dating babaeng confident, strong, may ngiti sa labi—nasan na siya?
Ang nakikita ko ngayon ay isang babaeng pagod. Isang babaeng gasgas ang puso. Isang babaeng hindi na alam kung saan lulugar.
Hindi lang puso ko ang wasak. Pati tiwala ko sa mundo. Pati paningin ko sa pag-ibig. Pati paniniwala ko sa sarili ko.
Minsan, naiisip ko, baka ako talaga ang problema.
Baka may mali sa akin kaya paulit-ulit akong sinasaktan.
Baka hindi talaga ako sapat.
Mahal ko si Stephen, pero iba ang pangarap niya.
Mahal ko si Benedict, pero hindi niya ako kayang harapin nang buong-buo.
Mahal ko si Miguel, pero gusto niya akong kontrolin.
Mahal ko si Sam, pero pinili niyang ipagpalit ako sa napakaraming babae.
At si Christian...
Mahal ko rin siya.
Pero ako pala ang kabit.
Ilang beses pa ba akong matutumba bago matuto?
Kailan ba matatapos ‘tong paulit-ulit na sakit?
“Pagod na ako,” bulong ko sa sarili ko habang pinupunasan ang luha.
Pero kahit gano’n, ayoko pang sumuko.
Ayoko pang isara ang puso ko.
Pero paano mo bubuksan ang puso kung basag-basag na ito? Paano mo ulit papaniwalain ang sarili mo na may taong kayang magpakatotoo sa mundong puno ng kasinungalingan?
Pag-ibig ba talaga ang scam? O tao lang ang mali?
Napahawak ako sa dibdib ko. Wala na akong maramdaman kundi puwang.
Isang void. Isang malalim at madilim na puwang na hindi ko alam kung paano punan.
Pikit ako. Tapos bulong lang sa sarili.
“Rax, kung hindi ka na nila kayang mahalin… sana matutunan mong mahalin ulit ang sarili mo.”
Pero ang hirap pala.
Kasi hindi lang puso ang nawala. Pati ako.
At sa puntong ‘to, ako mismo ang di ko na kilala.
9Please respect copyright.PENANAcQzUx8LsEN