9Please respect copyright.PENANAdSgSzwPFLh
Simula pa lang, may script na ang buhay ni Rax.
“Babae ka. Magpakababae ka.”
Yun ang unang aral sa kanya—hindi sa salita kundi sa gawa. Tuwing birthday, naka-dress siya. Tuwing may bisita, siya ang palaging nakangiti, nakaayos, parang maliit na prinsesa sa kaharian ng mga magulang niya. “Ang ganda naman ng anak mo,” sambit ng mga tita habang inaayos ng mommy niya ang hair clip niya na may glitter. “Parang Barbie!”
Ngumiti si Rax noon. Kasi iyon ang inaasahan.
Pero habang lumalaki siya, unti-unting bumigat ang mga palamuti. Hindi na lang ito pink na headband o lip gloss. Ito na ang pagiging mahinhin, pagiging mapagbigay, pagiging tahimik kahit galit na galit na siya. Kasi babae siya. Dapat sweet. Dapat understanding. Dapat pasensyosa.
Wala sa script ang pagtatanong.
Wala sa script ang pagkalito.
Sa bawat eksenang pinilit niyang gampanan, unti-unti ring nabura ang sariling niyang boses.
Pagkatapos ng lahat ng relasyon—mula kay Stephen hanggang kay Christian—napansin niya ang pattern: Lahat sila may version ng “gusto ko lang maging ako” na hindi siya kasama. Si Stephen may pangarap. Si Benedict may katotohanang di niya agad sinabi. Si Miguel may checklist ng kung ano siya dapat. Si Sam, syempre, may buong harem. At si Christian, may pamilya na pala.
So saan siya naiwan?
Sa gitna ng gulo. Sa gitna ng ideya ng "feminine perfection" na pinasa sa kanya mula pagkabata.
Ang irony, iniwan siya ng lahat kahit sinunod niya ang rules. Lahat ng dapat. Lahat ng “tama.” Lahat ng “babae.”
Pero bakit siya ang laging talunan?
Bumalik sa kanya ang memorya ng prom night niya noong high school. Nakadress siya, syempre. Kulay lavender, strapless. Maayos ang makeup, binilhan ng bagong heels, at may kasayaw na pinsan ng kaibigan. Picture-perfect. Pero sa gitna ng sayaw, gusto niyang hubarin ang sapatos at tumakbo palabas. Hindi dahil masakit ang paa—kundi dahil parang hindi siya makahinga.
Nakangiti siya sa lahat ng larawan. Pero sa loob, may bahagi ng sarili niyang gusto nang sumigaw: “Pwede bang hindi ito ako?”
Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang damdamin. Hindi niya rin alam kung bakit parang mali. Ang alam lang niya—hindi siya malaya. At hindi niya alam kung paano maging siya.
Hanggang sa dumating si IO.
Hindi siya dumating na parang bagyong nakakagulo ng mundo. Dumating siya parang ulan sa tagtuyot. Tahimik. Walang pressure. Walang tanong. Walang judgement.
“Gusto mo ng kape?” tanong nito sa pantry nung isang araw.
“Sure,” sagot niya, awkwardly smiling.
“Okay lang kahit hindi ka ngumingiti,” dagdag ni IO, habang nagsasalin ng brewed coffee sa mug niya. “Hindi ka obligadong maging okay palagi.”
Napatigil siya. Napatingin.
Walang nakakakita sa kanya ng gano’n—yung hindi siya obligadong maging ‘pleasing.’ Hindi siya kailangang maging maayos para mahalin.
Ngayon, habang nakahiga siya sa kama, nakatingin sa kisame, bumabalik lahat ng iyon—ang pagkabata, ang trainings ng pagiging “ideal daughter,” ang expectations, at ang kasinungalingan ng pagiging laging okay.
“Bakit ako laging nagpapakabait? Bakit ako laging nagpapaganda? Bakit kailangan kong sumunod sa imahe ng 'perfect girl' pero lahat sila, may laya maging sino man sila?”
Napapikit siya.
“Babae ako. Pero hindi lang iyon ang buo kong pagkatao.”
At sa wakas, unti-unting dumating ang liwanag: ang pagiging babae ay hindi sukatan ng pagiging mahina. At ang pag-ibig ay hindi dapat tungkol lang sa kung anong gusto ng iba—dapat kasama rin doon kung ano ang gusto niya. Sino ang gusto niya. Paano siya minamahal.
At kung bakit ang presensya ni IO ay tila mas nakakagaan ng dibdib kaysa sa lahat ng naging boyfriend niya.
Napa-buntong hininga si Rax.
“Hindi ako broken,” bulong niya. “Pero baka… hindi ko lang talaga nabigyan ng pagkakataong mahalin ang sarili ko, sa paraang ako mismo ang pumili.”
Sa unang pagkakataon, hindi niya tinakasan ang tanong.
Hindi niya sinara ang pinto.
At sa kalmadong tunog ng ulan sa bintana, sa mainit na tasa ng kape na iniabot ni IO kanina, at sa alaala ng batang si Rax na laging nakangiti sa kabila ng pagod, naramdaman niya ang isa pang bagay.
Pag-asa.
ns216.73.216.247da2