KABANATA 13: Tahimik na Pananalangin14Please respect copyright.PENANAZv9HX9bdvA
14Please respect copyright.PENANAi3tDNcD5En
Kulang-kulang dalawang buwan bago magpasko—wala pa rin akong jowa. Pero hindi ako malungkot gaya ng inaasahan ko sa mga ganitong panahong malamig ang simoy ng hangin. Hindi man ako kasing saya ng mga nagtatampisaw sa bagong pag-ibig, may kakaibang init akong kinakapitan: si Jeanine.
Hindi pa rin siya akin. At baka hindi rin kailanman magiging akin. Pero siya ang inspirasyon ko. Sa bawat araw na ubos ang lakas ko sa trabaho, sa pag-iipon, sa pakikisabay sa agos ng buhay—isang ngiti niya sa profile picture, o kahit isang linya lang ng kanta niya sa app, sapat na para sumilay ang lakas sa akin.
Hindi ko naman sinasabi sa kanya lahat ng ‘to. Masyado pa akong duwag. Masyado pang maaga, o baka nga huli na rin. Pero sa ngayon, masaya na akong tahimik lang na nariyan. Na siya ang dahilan kung bakit kahit pagod, napapangiti pa rin ako.
Nitong umaga lang, tumawag ang mga umampon sa akin—ang tinuring kong tunay na magulang sa Laguna. Hindi madalas, pero tuwing papalapit ang pasko, may ganyan silang tawag. Tradisyon na naming kumustahan sa mga ganitong panahon.
“Anak, okay ka lang ba d’yan?” bungad ni Mama Ellen. Mahinahon pa rin ang boses, pero ramdam ko ang pag-aalala.
“Getting by lang po, Ma,” sagot ko habang nakasandal sa pader ng boarding house ko. “Medyo busy sa work, pero nakakakain pa naman po ng maayos.”
Natawa si Papa Oscar sa kabilang linya. “Hindi ka pa rin nagkakajowa, ‘no?”
Napangiti ako. “Wala pa po. Baka sa next life.”
“Hay nako, ‘wag mong masyadong i-pressure ang sarili mo d’yan. Basta masaya ka, ‘yun ang mahalaga,” sabi ni Mama, pero alam kong may bahid ng lungkot sa tinig niya.
Tahimik ako saglit. Bago niya pa maibalik sa ibang topic, siya na mismo ang nagsabi ng iniisip ko.
“Anak… may balita kami. ‘Yung pamilya nila Estella… hanggang ngayon, galit pa rin sila sa’yo.”
Parang may mabigat na batong muling bumagsak sa dibdib ko.
“Alam namin hindi mo sinasadya… pero ‘yun nga. Naiintindihan namin sila. Wala pang closure, at siyempre, buhay ang nawala.”
Tumango ako kahit wala silang nakikita. “Opo. Naiintindihan ko rin sila.”
Tahimik.
“Anak, okay ka lang ba?”
“Okay lang po. Hindi ko rin naman maibabalik pa ‘yung buhay ni Estella. Alam kong kahit humingi pa ako ng tawad ng milyon-milyon, hindi ‘yun sapat. Pero ginawa ko na. Pinuntahan ko sila. Lumuhod ako. Wala silang sinabi. Tinanggap nilang naroon ako, pero hindi nila ako pinatawad. At hindi ko rin sila mapipilit.”
“Ginawa mo na lahat ng kaya mong gawin,” bulong ni Papa. “Ang mahalaga, hindi mo nilimot. Hindi mo rin tinakasan.”
“Hindi ko talaga kakayaning takasan ‘yun, Pa. Kaya nga kahit wala silang salita, araw-araw akong nagdarasal para kay Estella. Tahimik na panalangin. Kasi alam ko, ‘yun na lang ang kaya kong ibigay.”
Matagal ko na ‘tong dalang pasan. At wala akong balak ibaba ‘to para lang gumaan ang loob ko. Hindi ako naghahanap ng kapatawaran para makalaya—ang totoo, tinanggap ko na hindi ako kailanman tunay na lalaya. Pero kahit gano’n, pipiliin ko pa ring ipagpatuloy ang buhay. Hindi bilang pagtakas, kundi bilang pagkilala sa kabiguan kong hindi na maaaring itama.
Nung araw ding ‘yon, nagsimba ako. Tahimik lang ako sa sulok. Hindi ako humiling ng kahit ano. Ang gusto ko lang ay ang maibulong ang pangalan niya—Estella—sa Diyos, kahit hindi na ako karapat-dapat. Na sana, kung nasaan man siya, wala na siyang sakit. Na sana, hindi niya ako sinusumpa. Na sana… kahit kaunti, may kapayapaan siya.
At kahit hindi ako umiyak, ramdam ko ang init ng luhang naiipit sa dibdib ko. Minsan kasi, ‘yung pag-iyak hindi laging dumadaan sa mata. May luha ring nananatili sa puso.
Pag-uwi ko sa bahay, binuksan ko agad ang app. Gusto ko lang marinig ang boses niya—si Jeanine. Walang masyadong tao sa room. Wala rin siya. Pero may naiwan siyang message:
“Will be offline for a few days. Family time. Hope you’re all okay. :)”
Hindi ko alam kung anong klaseng kabog ‘yon sa dibdib ko. Pero bigla kong naisip, baka wala na rin ako sa listahan ng mga gusto niyang makita o marinig. Baka ako lang ang hindi pa umaalis sa ilusyon. Baka ako lang ang nagpapaka-baliw sa tahimik niyang ngiti.
Pero gaya ng panalangin ko kay Estella, tahimik din akong nagpasalamat sa kanya.
Salamat sa inspirasyon. Salamat sa muling paghinga. Salamat kasi kahit hindi ikaw ang sagot, ikaw ang daan.
Sa Pasko, mag-isa pa rin siguro ako. Pero buo. Tahimik. At may panibagong pangarap.
ns216.73.216.74da2