Kabanata 47: FLASHBACK SCENE — Gabi Bago Manganak si Ysay
Tahimik ang gabi. Halos walang marinig sa buong bahay kundi ang banayad na pag-ihip ng hangin sa labas ng bintana. Nasa loob ng kwarto si Ysay, nakaupo sa kama, hawak ang lumang voice recorder ni Ramil—yung dating ginagamit nito sa paggawa ng demo songs.
Naka-on na ito. Umiilaw ang pulang recording light. At saka siya nagsalita, mahina, nanginginig pero buo ang loob.
Ysay (voice recording):
“Kung naririnig n’yo ’to… baka hindi ko na kayo kayang tawagin isa-isa, o baka hindi ko na rin maalala kung sino kayo. Pero sana, marinig n’yo pa rin ang puso ko.”
Tumigil siya sandali, huminga ng malalim, at nagsimulang magsalita nang deretso—para sa bawat mahal sa buhay na iniwan niya ng mga salitang hindi niya siguradong masasabi pa.
Para kay Jae Ann:
“Anak... ikaw ang una kong tagumpay bilang ina. Alam kong minsan, napapagod ka. Napapaisip kung tama bang mahalin mo ang pamilyang ’to. Pero gusto kong malaman mo—mula umpisa, ikaw ang haligi ng mga kapatid mo. Hindi mo kailangang maging perpekto. Pero sana… wag mong kalimutan na ikaw ang pinakaunang minahal ko, at hinding-hindi ako nagsisising ikaw ang naging simula ko.”
Para kay KC:
“Kuya na kita simula’t sapul. Hindi ko man madalas sabihin, pero hindi man si papa mp Ramil ang dugo mo, anak kita, anak ka namin ni papa mo. Hindi mo kailangang maging matatag palagi. Pero salamat kasi lagi kang nandoon. Para sa’kin, sa mga kapatid mo. Anak, magpahinga ka rin. At sana—pag wala na ako, maging tahanan ka nila.”
Para kay Angelique:
“Ate ka na ngayon, ’nak. Kahit ilang araw ka pa lang nagiging ate, ramdam ko kung paano ka magmahal. Sapat na ’yun. Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo para lang maging mabuting kapatid—kasi mula pa lang nang yakapin mo ako bilang ina mo, alam ko nang ikaw ang isa sa mga anak kong pinagdasal ko.”
Para kay Samantha:
“Mahal kong bunso… hindi ko alam kung maririnig mo ’to. Pero gusto kong malaman mong hindi kita pinili sa kahinaan ko, kundi sa lakas ko. Pinaglaban kita. Hindi mo man ako makasama nang matagal, gusto kong maramdaman mong minahal kita kahit bago ka pa ipanganak. Sana… kahit wala na ako, marinig mo kung paano kita iniyakan sa tuwa. Buhay ka. At yan na ang sapat para sa akin.”
Para kay Ramil:
“Mahal ko… kung may isa akong hiling, yun ay sana magpatuloy ka pa ring lumikha. Wag mong hayaang matulog ang mga kanta mo. Kasi sa bawat awit mo, naririnig ko ang parte ng sarili ko na hindi kailanman mawawala. Huwag kang matakot magmahal ulit. Huwag kang matakot mabuhay nang masaya. At higit sa lahat… huwag kang tumigil. Dahil kahit hindi mo na ako makita… ako pa rin ang dahilan kung bakit may musika sa puso mo.”
Huling hinga. Halos may luha na sa mga mata ni Ysay, pero pinilit niyang ngumiti kahit wala namang makakakita.
Ysay (huling linya sa recording):
“Hindi ko man maalala ang pangalan n’yo balang araw… sana maalala n’yo kung sino ako—isang inang nangarap na ang pagmamahal ko sa inyo ay sapat para itawid kayo kahit wala na ako.”
ns216.73.216.169da2